Nagbigay na nang pahayag ang pinakamalaking samahan ng mga Katoliko laban sa nabubuong Chacha ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Sa tantya ng ilan, maaari pang ihabol ni GMA ang pagpasa ng panukalang Chacha bago ang Pebrero. Sa gayon, may panahon pang maihabol ng Commission on Elections ang isang tanong sa balota para sa isang plebisito, kasabay ng halalan sa Mayo.
Ibig sabihin, pupuwersahin tayong mga Pilipino na lunukin ang Cha-cha kahit na mismong mga kaalyado ng Pangulong Duterte ay tutol sa bersyon na ito ni GMA.
Bakit naman kasi pinipilit ihabol itong Cha-cha? Gusto ba nilang manatili sa puwesto? May eleksyon naman sa Mayo. Hayaan nating magpasya ang taumbayan sa nais nilang pagbabago sa liderato ng lehislatura.
Nagsalita na ang senado. Malinaw sa saligang batas na dapat hiwalay ang botohan patungkol sa Cha-cha.
Nagpahiwatig na ang iba’t ibang civil society organization na kanilang tututulan ang Cha-cha. Nagpahayag na rin ang Laiko Warriors, samahan ng iba’t ibang malalaking organisasyon sa ilalim ng simbahang Katoliko. Hinding-hindi sila papayag sa Chacha ni Gloria.
Habang niluluto ito sa Kongreso, unti-unti namang nagiging seryoso ang lagay sa Mindanao bunga ng panukalang Bangsamoro Organic Law (BOL). Nakatakda ang isang plebisito sa Enero 21 at Pebrero 6.
Marami pang maaaring mangyari bago ang naturang plebisito. Maaaring pigilan ito sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema. Naaalarma ang ating kababayan sa Mindanao na maaaring isabotahe pa rin ang inaasahan nilang transition ng Bangsamoro government.
Nagbigay si ARMM Gov. Mujiv Hataman ng isang madamdamin ngunit maligayang pamamaalam noong Disyembre 19, 2018. Ayon sa masugid na tagasuporta sa prosesong pang-kapayapaan sa Mindanao, sinubukan nilang ibigay ang mga kailangang tulong ng ating kababayan, sadyang hindi sapat ang kayang tugunan ng ARMM. Kung mapapagtibay ang BOL, higit na malaking espasyo ang ibinibigay sa Bangsamoro government at mas malaking pondo ang mailalaan para maipatupad ang mga proyektong inaasam ng kababayan natin doon.