Dagdag-buwis, dagdag-pahirap, nasaan ang dagdag-tulong?
Lumalabas na wala nang pakialam ang ating pamahalaan anuman ang epekto ng dagdag-buwis sa ating mga kababayan. Hindi pa bumababa ang presyo ng mga bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng langis ng mga nagdaang buwan. Heto at nakaamba na naman ang panibagong pagtaas ng presyo dulot ng mas mataas na excise tax sa langis sa Enero 2019.
Napakalaking kalokohan na ia-announce nilang suspended ang excise tax sa langis tapos ibabalik nila na parang lastiko. Samantala, nasaan ang ipinangako nilang tulong para sa mga mahihirap na hindi naman nakinabang sa pinagmamalaki nilang pagbaba ng income tax sa TRAIN?
Ipinangako sa batas na dapat bigyan ng tulong ang mga mahihirap lalo na ang mga minimum wage earners na hindi naman talaga nadagdagan ang kita mula sa nasabing income tax reduction. Kasama rin dito ang discount sa NFA rice, fuel voucher sa mga jeepney driver para hindi magtaas ng pamasahe, at dagdag na cash para sa mga tumatanggap ng Pantawid Pamilyang Pilipino at ang mga hindi tumatanggap nito pero kasama sa mga mahihirap na lalo pang malulubog sa kahirapan dahil sa pagtaas ng presyo.
Hindi pa po ito naipapatupad pero heto at nakaamba na naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kung hindi gagawin ng pamahalaan ang trabaho nya, tataas ang mga presyo ngayong Pasko. Sino ang mas spoiler sa Pasko kesa sa mga economic managers natin?
Para sa kaalaman ng ating mga mamamayan, hindi po tayo dapat magtiis at sapilitang lunukin ang mga patakarang pilit na pinatatanggap sa atin. Hindi po tayo kailangang sumunod lamang dahil wala tayong kapangyarihang magsalita.
Alamin po natin ang mga senador at congressman na bumoto sa TRAIN law. Sa darating na halalan sa 2019, huwag na po natin silang paupuin sa Kongreso.